,

Bakit ang Daming Bag ni Ma’am sa Klase?

Ilustration by Mary Cathyrine Estoque

Super Saiyan ata teacher ko! May backpack sa likod, projector sa gilid, bitbit na bag sa kanang kamay at test papers sa kaliwang braso.

Bago ako pumasok sa klase, lagi kong iniisip kung dapat ba akong magdala ng malaking bag. Paano ba naman— ang bigat, ang laki, ang hassle lalo na’t nagko-commute pa ako!

Sa aming klase, iba’t iba kami ng tipo ng bag—may shoulder bag, tote bag, at traveler’s bag! Iba’t iba ng bitbit at dala-dala ang bawat isa sa amin ngunit ibahin ninyo si ma’am—mahigit pa sa bigat ng traveler’s bag ang kaniyang dala araw-araw.

Mayroon siyang laptop backpack sa kanyang likod, shoulder bag ng projector sa kaniyang gilid, suot ang kaniyang microphone lapel, at sangkaterbang test papers sa kaliwang braso. Halos araw-araw ganito ang eksena ng aming guro kaya hindi namin maatim na hindi siya tulungan sa kaniyang mga gamit, o sunduin siya sa faculty room papunta sa aming classroom.

Ngunit taliwas sa amin na nagrereklamo sa isang mabigat na bag, laging nakangiti si ma’am kapag kami’y kaharap sa klase. Tila baga napawi ang kanyang pagod at bigat nang makita kami sa aming mga upuan. Hindi ko matiis na tanungin ang aking sarili, bakit ang daming bag ni ma’am sa klase? Paanong siya’y nakangingiti at nakatatawa sa kabila ng pagod sa kaniyang mata?

Doon ko napagtanto na halos araw-araw palang ganito ang buhay ni ma’am sa aming klase. Marami, paulit-ulit, at mabigat tulad ng kaniyang mga bag ngunit paano niya ito natitiis at kinakaya? Sa dami ng kaniyang dinadala, nananatili siyang masigla at nag-aalab ang pagmamahal sa kaniyang ginagawa.

Paano kaya ‘yun? Sa apatnapu’t apat na mag-aaral sa isang section, mayroon pa siyang susunod na apat pang section na tuturuan sa buong umaga, at bitbit pa rin ang mga gamit na iyon.

Paano kaya ‘yun? Sa limang section na iyon, iba’t ibang paraan pa ang kanyang pagtuturo gamit ang mga inihandang lesson plan, gawain, at presentasyon ngunit tila mataas pa rin ang kaniyang enerhiya.

Paano kaya ‘yun? Hindi lang matatapos sa silid-aralan ang kanyang trabaho dahil mayroon pa siyang Daily Lesson Log at reports na isusumite sa mga opisina pagkatapos ng klase.

Sa bawat araw na ipinagkaloob ng Diyos, bitbit niya ang mga gamit panturo na nagpapaliwanag ng kamalayan ng kaniyang mag-aaral; ang mga lesson plan ni ma’am na siyang gabay sa aming aralin; ang pagsusulit na sumusukat ng aming kaalaman; ang kaniyang laptop na nagsisilbing instrumento ng makabagong pagtuturo; ang kaniyang projector na nagsisilbing liwanag sa dilim, at higit sa lahat; si ma’am na nagtutulak sa amin na magpatuloy sa paglalakbay tungo sa aming munting pangarap kahit kami mismo ay hindi na mawari kung saan patungo ang lubak na aming nilalakaran.

Ngunit nitong araw sa pagsundo namin sa kaniya, parang mas lalong bumibigat ang mga bag ni ma’am. Hindi lamang ito ang lesson plans, mga test papers, laptop, o ang mabigat na projector. Marahil unti-unti ko ring napansin ang pagod sa kanyang mga mata—isang pagod na tila mas mabigat pa sa kaniyang mga dala.

Habang ang magagarbong bag namin ay maaaring palitan, ang bag ni ma’am ay tila hindi nabibigyan ng sapat na pahinga. Hindi naman pwedeng ito ay bitbitin nang walang katapusan. Tulad ng anumang bagay, may hangganan ang kapasidad. Kaya noong isang araw, ang mga kagamitang panturo, gaya ng laptop at projector, ay minsang tumitigil sa kalagitnaan ng pagtuturo.

Sa bawat araw na lumilipas, hindi lang bumibigat ang bag ni ma’am; lumuluma, at sa kalaunan, tuluyang nasisira. Pero hindi lang gamit ang may hangganan—pati na rin si ma’am. At kung hindi siya susuportahan, kailan pa kaya darating ang sapat na taguyod para hindi mapagod si ma’am nang tuluyan?

Hindi lang siya isang guro—isa rin siyang ina at tagapayo na naglalayong gabayan, at ituwid ang landas ng mga itinuturing na supling sa paaralan, katuwang ng kanilang mga magulang. At kung hindi siya susuportahan, paano kaya magpapatuloy si ma’am sa pag-agay sa kinabukasan ng kabataan?

Sa nag-uumapaw na pagmamahal ni ma’am sa pagtuturo, minsan ay inuuwi niya na rin ang kaniyang trabaho. Ngunit ito’y higit pa sa labis na pagsusumikap ni ma’am; para sa kaniya, katumbas ng dekalidad na edukasyon ay ang kalidad na benepisyo. At kung hindi siya susuportahan, paano na kaya mapapalitan ang maraming bag at iba pang kagamitan?

Sa paggunita ng World Teachers’ Day, ating bigyang pugay ang mga guro na nagsumikap at gumabay sa atin patungo sa tagumpay, mula sa paaralan hanggang sa reyalidad ng buhay. Bukod sa mga matatamis na salita at materyal na bagay ay bigyang pansin at diin ang kanilang pangangailangan; makatarungang sahod, sapat na benepisyo, abot-kayang matrikula, at kalidad na pasilidad para sa kalidad na edukasyon na ating tinatamasa.

Ngayon, alam na natin kung bakit ang daming dala ni ma’am sa klase. Salamat, ma’am at sir, dahil hindi kayo sumusuko sa pasaning dinadala niyo para lang kami ay bigyang liwanag.

 

Written by Mary Jen Baer & Gerson Galido Jr.