Skip to main content

Justice Carpio, Tagapagsalita Sa Sampaksaan Hinggil Sa West Philippine Sea

Submitted by lourlene.ugaddan on Mon, 08/19/2019 - 10:07
Justice Carpio

 

'

Kaakibat ng taunang pagdiriwang sa Linggo ng Agham Panlipunan ang Samahang Pugad Lawin(SPL), Kagawaran ng Agham Panlipunan, Pilosopiya, at Humanidades, at ang Kolehiyo ng Sining at Panitik (CAL), ay nagdaos ng sampaksaang talakayan hinggil sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) na ginanap sa Unibersidad ng Makati noong ika-10 ng Agosto 2019.

Ang naging susing tagapagsalita sa naturang sampaksaan ay ang kapita-pitagang Senior Associate Antonio T. Carpio, ng Korte Suprema at isa sa mga dalubhasang delegado na nagtanggol sa Pilipinas noong inihain ng ating basa ang ‘arbitration case’ laban sa Tsina.

Sa panimula ng kanyang lektura, binanggit ni Carpio ang ilan sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang WPS sa ilang mga bansa na nakapalibot dito. Aniya, nagsimula ang agawan nang ilathala ng Tsina sa mundo ang kanilang ‘historical rights’ di umano na nagsasabi na anim na daang taon na ang nakararaan nang sila ang unang nangisda at nakipagkalakalan sa karamihan ng mga pulo na napapabilang ngayon sa bansang Pilipinas.

Isa rin sa kontrobersyal na aksyon ng Tsina aniya ang paglalabas nito ng ‘nine-dash line’ na layuning markahan ang lawak ng sakop ng Tsina sa South China Sea at mariing tinutulan ng karatig na bansa sa Asya katulad ng Brunei, Indonesia, Malaysia, Vietnam at Pilipinas.

 

Inulat din ni Carpio sa naturang sampaksaan ang ilan sa mga antigong mapa ng iba't ibang dinastiya sa Tsina na makapagpapatunay na ang kanilang teritoryo ay hanggang sa isla lamang ng Hainan sa timog, kung saan pinapakita nito na hindi nasakop ng Tsina ang mga isla sa WPS.

Iminungkahi nya din na ang tunay na may soberanya sa nasabing teritoryo ay ang bansang Pilipinas. Isa sa mga antigong mapa na makapagpapatunay dito ay ang 1734 Murillo Velarde Map na siyang basehan at opisyal na mapa ng Pilipinas na gawa ng isang kastilang pari.

Sa kabila ng matitibay na ebidensya ng Pilipinas, idiniin ni Carpio na hindi pakikipag-giyera ang susi sa isyu ng agawan ng teritoryo na naging tugon niya sa isang katanungan sa malayang talakayan. Nanindigan naman ang mahistrado na hindi maaaring ibigay ng Pilipinas ang soberanya nito sa West Philippine Sea lalo pa at nasa Pilipinas ang panig ng International Tribunal on the Law of the Seas (ITLOS) na nakabase sa Hague, Netherlands noong 2016. "We won an area larger than the total land area that's the West Philippine Sea, that's why we have to protect that..." ani Carpio.

Upang mapaigting ng Pilipinas ang soberanya nito sa West Philippine Sea, dapat maging matalino at maalam ang bawat kabataan hinggil sa naturang isyu, giit pa ng mahistrado.

 

Isinulat ni Venneth S. Daquigan (studyante mula sa BSE, Social Studies)

Pasasalamat sa mga Tagapangasiwa sa Kolehiyo ng Sining at Panitikan (CAL)

Propesor MARY ACEL D. GERMAN, M.A. Dekana,  

Propesor FLORABEL BERENGUELA ESTEBAN, Kalihim ng Kolehiyo 

Propesor LINBER ALLAN CORTEZ EUGENIO, MPA Pinuno ng Kagawaran  Agham Panlipunan, Pilosopiya, at Humanidades

Propesor KEVIN PAUL MARTIJA Tagapagpayo, SPL

Bb. HILLARY FAITH SANCHEZ, Pangulo, SPL