Pagdiriwang ng Wikang Filipino: Daluyan ng Kultura, Kalayaan, at Sining
Idinaos ng Departamento ng Wika at ABM ng Kolehiyo ng Makabagong Edukasyong Pang-guro – Higher School ng UMak ang Buwan ng Wika na may temang “Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya” noong Septyembre 30 sa awditoryo ng Unibersidad ng Makati.
Ipinamalas ng mga piling mag-aaral mula sa ika-labing-isa at ika-labindalawang baitang ang kanilang natatanging husay sa unang pagtatanghal ng MUKHA (Musika, Kasuotan, at HAraya). Iba’t-ibang pagtatanghal sa musika tulad ng kundiman, mga kasuotan ng iba’t-ibang katutubong Pilipino, at haraya ng malikhaing pagguhit at spoken poetry ang ibinida sa nasabing programa.
Nagwagi sa iba’t-ibang kategorya sina Jan Francis Alfaro ng Grade 12-09 STM bilang Lakan, Juliana Eunice Mojar ng Grade 12-01 VAMA bilang Lakambini, at Lian Shane Delfin ng Grade 12-04 STM sa Poster Making Contest.
Tinatayang mahigit 200 mag-aaral ang dumalo sa pagdiriwang na ito na hinati sa dalawang sesyon. Ayon kay Kawaksing Propesor Jayson Bergania, Dekano ng Kolehiyo ng Makabagong Edukasyong Pang-guro “ito ay unang silip pa lamang…” at sisikapin ng Kolehiyo na maging taunang tradisyon ang selebrasyon ng MUKHA.
Bukod sa mga pagtatanghal, ang programa ay pinalalim pa ng mga espesyal na mensahe mula kina Atty. Jewel Bulos, Pangalawang Pangulong Pang-Administrasyon; Propesor Maria Fay Nenette Carriaga, Pangalawang Pangulo sa Pagpaplano at Pananaliksik; Gng. Juvy Hermosura, Kalihim ng Unibersidad; at Dr. Arthur Casanova, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Layunin ng MUKHA na ipakita ang kahusayan ng mga mag-aaral sa larangan ng Musika, Sining, at Haraya (imahinasyon). Sa kasabayang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, naghanda rin ang HSU ng Gallery Walk kung saan ipinakita ang likhang sining ng mga mag-aaral.
Written by: Ms. Minerva Tamayosa