“Kailan Aabante ang Malyete?”
Ang mga pananaw at opinyon ng USMO na nakalahad sa sulating ito sa UMak.edu.ph ay hindi kumakatawan sa Unibersidad ng Makati, sa mga namamahala, sa mga manggagawa, at sa mga mag-aaral nito.
Mauuna pa atang matipak ang hirarkiya kesa sa ulo ng malyeteng pangdesisyon.
“Kung sino ang mas maraming ingay, sila pa madalas ang walang laman; parang mga lata sa daan.”
Sabihin na nating nais naman talaga magkaroon ng pagbabago sa kung ano ang kinasanayan. Wala namang masamang mag-ambisyon ng mas matinong pamamalakad kumpara sa mga nauna, pero itutuloy pa ba? Mas matingkad pa ang mga kolerete at Kasuotang Pilipino nila kumpara sa hinaharap na gustong marating. Kumbaga, mistulang mga palamuti, na may palamuti.
Hinihimok na magtanong ang masa, ngunit anong itatanong nila? Ni hindi nga nila alam na may bagong pagsulat na palang ginawa. Ang gawi na dapat pampubliko at panglahatan, sa isang silid pinagkasya. Nga pala, wala sanang magtatanggal ng recorded live sa YouTube, lalo kasing nakakapag-suspetsa.
Pumalo na’t lahat sa kahoy na may barnis at tumunog ang batingaw ng pagpataw, hindi naman nasundan ng karampatang hakbang. Ngayon, aba’y mag-eeleksyon na naman. Oras na naman para gumawa ng ingay.
Sana, hindi na maging lata ang susunod. May kabuluhan na nawa ang mga ingay na gagawin nila. Wala namang masama na mag-ambisyon ng pagbabago, idaan lamang sana ito sa tama at nararapat na proseso. Ang matinong pamamalakad, ay pagsunod; bago magpasunod.
Matitipak ang hirarkiya, magbabantay ang masa.
Tanong ng mga hinimok:
Kailan aabante ang malyete?
– Mang Ebok